May gusto akong itanong sa'yo... anong nangyari? Ang saya natin nuon. Ang kyut natin. Akala nila, tayo, o kung hindi man, magiging tayo in time. Ok ka naman, mga kartada ocho yung buong pagkatao mo.
Hinihintay kita nuon. Bilang babae, sabi ko, may hangganan ang kaya kong gawin, yung iba ikaw na dapat ang kumilos. Kaso, ang bagal mo, o baka, hindi mo naman talaga ako gusto. E hindi ko alam pero nagmamadali ako nuon. Bumagsak tuloy ako sa gago. Iniyakan pa kita nung nagkahiwalay kami. Nakinig ka, nagbigay ng payo. Pero sa gitna ng pag-iyak ko, iniisip ko noon, ikaw kasi... kung me ginawa ka agad, edi hindi ka naunahan, edi sana di kita tinatawagan para umiyak. Edi sana masaya tayong dalawa.
Pero kung naging tayo, magiging kami kaya. Kami na ngayon, mahal na mahal ko sya. Sobrang saya ko sa kanya. Lumamang lang sya sayo ng bahagya sa muka, sa tikas ng katawan at sa kakayahang magpasensya sa'kin.. Pero aaminin ko, lamang ka talaga sa talino.
Wag mong isipin na mahal kita. Ni hindi ko nga alam kung minahal kita nuon o kinilig lang ako kasi ikaw lang ang lalaki (na pwede) na kilala ko, o kung nagustuhan mo man lang din ba ako o guni-guni lang yun ng birhen na utak ko. Pero hanggang ngayon, iniisip ko kung ano kaya kung nagpadala ako at nagbigay ng motibo, e lagi na naman kitang kasama nuon. Sumo-solo-time tayo. Maraming pwedeng mangyari kung gago talaga tayo. Pero napahanga mo din ako, kasi sa kabila ng dami ng pagkakataon na magkasama tayong dalawa lang, hindi ka nagsamantala. Ni-respeto mo ako, hanggang siko lang ang hawak mo pag tumatawid tayo sa malalapad na kalsada, at di maikakailang kinikilig ako sa mahigpit mong akbay pag sukob tayo sa payong.
Pero hanggang dun na lang talaga. Tuwing magkakausap tayo, gusto kong banggitin sayo, tanungin ka. Nagustuhan mo ba ako nuon? Kasi sinabi sakin ng kaibigan mo, gusto mo daw ako, ang verbatim nga "madly inlove". Konteng tulak na lang ba, aakapin mo na ako nung panahong inosenteng magkatabi tayo sa kama. Kund dumikit pa ng konte yung muka mo sa muka ko, hahalikan mo ba ako? O ako lang ang mejo patay na patay sa'yo?
Yun lang. Hindi ko mapigilan isipin kahit hanggang ngayon. Yung ano kaya kung ganun ang nangyari.
No comments:
Post a Comment